Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Precilla Mijares ng Pasay City Regional Trial Court dakong alas-5 ng umaga kahapon nang salakayin ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at SPD police ang No. 30 Unit 2-C sa Lancaster St., kanto ng F.B. Harrison sa nabanggit na lungsod.
Ayon kay Deputy Director General Eduardo Aglipay dakong alas-9:30 ng umaga kahapon ay tuluyan nang niransak ang naturang unit ngunit walang nadatnang tao sa loob nito.
Gayunman, natagpuan ang tone-toneladang kemikal na kinabibilangan ng 64 sako ng ephedrine na nagkakahalaga ng P3.5 bilyong piso.
Nabatid na ang naturang unit ay inupahan upang gawing imbakan ng mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng shabu. Malaki ang paniwala ng pulisya na may kaugnayan ito sa sinalakay na shabu laboratory sa Barangay Capiza, Tanza, Cavite na pag-aari ng Chinese na si Li Ya Lan, alyas Jackson Dy, 41 na kasama sa naaresto sa isinagawang raid sa Cavite.
Sa Cavite raid, bukod kay Dy nadakip din ang misis nito na si Wang Li Na, 31; Li Tian Wah, 23; Yap Cha Mei, 20; Li Huo Long 29 at Sy Suan Hong, pawang mga undocumented alien buhat sa Taiwan at aktibong nag-ooperate sa Southern Tagalog Region.
Sa isa namang radio interview, sinabi naman ng isang Donna Uy na siyang developer sa ni-raid na townhouse na noon lamang nakaraang taon nang bilhin ni Dy ang apat na units ng townhouse na aabot sa halagang anim na milyong piso.
Ang dalawang units ay tinitirhan umano ng mga kamag-anak ni Dy, samantalang pinapaupahan naman nito ang isa pang unit sa ibang tao.
Nagpakilala umano sa kanya si Dy na isang big-time gambler at may winnings na aabot sa P300 million.
Nagbayad umano si Dy ng cash sa apat na unit at namalagi pansamantala hanggang sa hindi na niya nakita simula pa noong nakalipas na summer.(Ulat nina Lilia Toelntino,Lordeth Bonilla at Angie dela Cruz)