Labis ang pagdadalamhati ng inang si Jocelyn Calisaan, 29, ng 101 Ana Bautista St., 2nd Avenue, Caloocan City na nagsilang sa quadruplets na mga babae kamakalawa ng gabi sa pagkamatay ng tatlo sa apat na sanggol, subalit nakadagdag pa sa paghihirap ng ginang at ng mister nito nang pera ang siyang pairalin ng ilang pagamutan na kung hindi sana ganito ay baka naisalba ang buhay ng kanilang mga anak.
Ayon sa ulat unang nagtungo sa Dr. Espiritu Maternity Clinic si Jocelyn upang magpa-check-up subalit bigla nang humilab ang kanyang tiyan sa anim na buwan pa lamang na pagbubuntis.
Kulang sa buwan na lumabas ang quadruplets dakong alas-10:30 ng umaga noong Martes at dahil sa wala namang incubator sa maternity clinic ay pinayuhan silang ilipat ang mga sanggol.
Dinala ang mga bata sa MCU Hospital na doon hinihingan sila ng P20,000 kada ulo ng apat na sanggol upang mailagay ang mga ito sa incubator subalit ng sabihin ng mga kaanak ni Jocelyn na wala silang ganoong kalaking halaga ay sinabihan sila ng pamunuan ng nasabing pagamutan na wala silang sapat na kagamitan upang maisalba ang buhay ng mga sanggol.
Ayon kay Vladimir, mister ni Jocelyn na nakipag-ugnayan pa umano ang MCU sa Philippine General Hospital (PGH) para doon mailipat ang mga bata subalit inabisuhan din sila na P20,000 ang bawat ulo ng mga sanggol na hindi rin nila kaya.
Binanggit pa ni Vladimir na umabot pa rin sa P16,000 ang binayaran nila sa MCU para sa ilang serbisyong ginawa ng mga ito at maging ang gagamiting ambulansiya sa paglilipat sa mga bata sa Fabella Hospital.
Sa Fabella na rin isa-isang binawian nang buhay ang tatlong sanggol.
Pinaiimbestigahan na ng DOH ang mga reklamo ng pamilya Calisaan sa mga nabanggit na pagamutan, habang ang isa pang sanggol na si Ma. Jovell ay patuloy namang minomonitor sa Fabella para maisalba ang buhay nito. (Ulat nina Rose Tamayo at Danilo Garcia)