Pirated bold VCDs huli ni GMA sa Cubao police station

Uminit ang ulo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa Central Police District-Cubao Station matapos na makakita ng mga pirated bold movies sa lalagyan ng VCD ng isang opisyal ng pulis dito.

Kinuwestiyon ni Pangulong Arroyo ang pagkakaroon ng mga X-rated VCD sa tanggapan ni Supt. Efren Manuel Sta. Inez, OIC ng Cubao Station samantalang isa itong alagad ng batas.

Si Sr. Supt. Rosendo Franco na station commander ng Cubao ay kasalukuyang dumadalo ng seminar sa Estados Unidos.

Sinabi ni Arroyo na dapat na magsilbing ehemplo ang tulad ni Sta. Inez at hindi tumutulad sa iba na nagtatabi ng mga bold VCD lalo na sa mga presinto.

Isa sa mga nakuhang bold VCD ni Pangulong Arroyo ay may pamagat na Anal Queen.

Ang pagdating ni Arroyo ay ikinabigla ng mga tauhan ng Cubao Station matapos itong magtungo sa Camp Aguinaldo.

Bukod dito, pinuna rin ng Pangulo ang mataas na crime rate ng naturang police station partikular na ang snatching at drug pushing. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments