Pulis binoga ng 2 'tulak'

Isang pulis ang binaril at napatay ng kanyang mga kapitbahay na sinasabing mga tulak sa droga habang nagpapahinga kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Patay na nang idating sa Fairview General Hospital ang biktima na si SPO2 Saver Altarejos, 35, may-asawa at residente ng 10 Kalayaan B, Batasan Hills ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ang mga suspect na nakilalang sina Lauro Balubar at isang nagngangalang Elmer.

Lumitaw sa imbestigasyon ng CPD na dakong alas- 12:30 ng madaling-araw nang maganap ang krimen sa tapat ng bahay ng biktima.

Nabatid na nakaupo ang biktima sa harap ng bahay nito nang dumating ang dalawang suspect at walang sabi-sabing pinagbabaril ito sa dibdib ng tatlong ulit.

Ayon sa pulisya, posibleng paghihiganti ang motibo ng mga salarin dahil madalas umanong sitahin ng biktima ang dalawa sa paggamit ng mga ito ng droga.

Binalaan din ng biktima ang mga suspect na ipahuhuli kung hindi titigil sa pagbebenta ng droga. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments