Batay sa 18-pahinang reklamo ni Joselano Guevarra, isinama rin sa kaso ang kanyang asawang si Irene Moje, isang commercial model. Si Eala ay kasal naman kay Marie Anne Tantoco kung saan nagkaroon siya ng tatlong anak.
Lumilitaw sa reklamo ni Guevarra na umalis sa kanilang bahay sa Rosario, Pasig ang kanyang asawa matapos niyang mahuli itong kasama si Eala sa loob ng sasakyan sa Julia Vargas Ave. sa Ortigas noong Marso 2001.
Mula noon, hindi na muli pang umuwi ng bahay si Moje at sa halip ay tumawag ito sa kanya at inaming makikipag-live-in na lamang siya sa commissioner sa 71-B 11th St. New Manila, Quezon City.
Nagbunga ang umanoy bawal na pag-ibig nina Eala at Moje ng isang anak na babae na pinangalanang Samantha Irene Louise Moje na ipinanganak noong Pebrero 14, 2002 sa St. Lukes Medical Center. Pinatunayan ito sa certificate of live birth na si Atty. Jose Emmanuel Noli Eala ang ama.
Bukod dito, isang love letter din ang nakita ni Guevarra sa kanilang masters bedroom na mula kay Eala na nagsasabing mahal pa rin niya si Moje kahit na ito ay nagpakasal na sa iba.
Iginiit ni Guevarra na ang kanyang pagsasampa ng kaso sa DOJ ay bunsod na rin ng pagbasura ng QCRTC sa kanyang naunang reklamo. Aniya, nais niyang marebisa ng DOJ ang kanyang reklamo dahil ang birth certificate pa lamang ng bata ay matibay ng ebidensiya na nakikipag-apid ang kanyang asawa kay Eala. (Ulat ni Rudy Andal)