Pulis nanita ng tambay binoga,patay

Patay ang isang bagitong pulis ng CPD matapos na barilin ng mga istambay na kanyang sinita kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Patay na nang idating sa Fairview General Hospital ang biktima na nakilalang si PO3 Wendolfo Lagunzad, nakatalaga sa CPD-Batasan Station.

Mabilis namang nagsitakas ang tatlong hindi pa nakikilalang suspect na pawang nasa edad na 30- 35.

Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-2:45 ng madaling araw sa panulukan ng IBP Road at Kaunlaran St., Barangay Commonwealth ng naturang lungsod.

Kasalukuyang nag-aabang ng sasakyan si Lagunzad kasama ang tatlong sibilyan nang maispatan ang tatlong suspect.

Dahil sa kahina-hinalang kilos ng mga suspect nilapitan ito ng biktima at saka sinita. Gayunman, putok ng baril ang isinagot ng isa sa mga ito na naging dahilan ng kamatayan ng nabanggit na pulis.

Malaki ang paniwala ng pulisya na posibleng manghoholdap ang mga suspect na natunugan ng pulis kung kaya ito ang kanilang pinag-initan.

Patuloy ang ginagawang follow-up operation para sa ikadadakip ng mga suspect. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments