Babaeng pipi't bingi arestado sa kidnap

Arestado ang isang babae na pipi’t bingi makaraang ituro ng isa niyang kapitbahay na tinangayan niya ng anak ilang linggo na ang nakakalipas sa Caloocan City.

Kasalukuyang nakapiit at nahaharap sa kasong kidnapping ang suspect na nakilalang si Susan.

Si Susan ay ipinadampot ng kanyang kapitbahay na si Rufino Felix, ama ng batang si Aaron Josua, 3-anyos, ng Salmon St., Dagat-Dagatan ng nasabing lungsod.

Batay sa ulat ng pulisya, si Susan na isang pipi’t bingi ang itinuturong tumangay sa paslit noong nakaraang Hunyo 7, ng taong kasalukuyan.

Nabatid na sa pamamagitan ng senyas ay ipinagpaalam nito ang bata sa lola na ipapasyal niya sa may Dagat-Dagatan.

Dahil sa kakilala naman ng pamilya ang suspect ay pinayagan ito, subalit simula noon ay hindi na nakita pa ang biktima.

Kamakalawa dakong alas-8 ng gabi ng makita ni Rufino ang suspect sa may 5th Avenue, Caloocan kung kaya agad itong nagsumbong sa pulis at ipinaaresto ang suspect.

Nahihirapan naman ang pulisya na kumuha ng impormasyon sa suspect kung nasaan ang bata dahil nga sa hindi ito nakapagsasalita, habang hindi nila maunawaan ang mga senyas na ginagawa nito. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments