2 Chinese national dinakip sa droga

Dalawang Chinese national ang naaresto ng mga awtoridad matapos na makumpiskahan ng may 50 gramo ng shabu sa loob ng kanilang sasakyan sa Binondo, Maynila kamakalawa ng gabi.

Sa report ng Philippine National Police sa Camp Crame, ang mga suspect ay nakilalang sina John Ong, may mga alyas na John Ongin Roxas at Wang Zhong Qing, 25, negosyante, ng #4 Taliba St., Tondo, Maynila at Wang Wei Hung, 19, isang turista at nakatira sa nasabi ring lugar.

Sa ulat, dakong alas-9 ng gabi habang lulan ang mga suspect ng isang Toyota Altis na may conduction sticker na 77YNF at binabagtas ang Plaza Lorenzo Ruiz sa nasabing lugar nang maispatan ng mga nagpapatrolyang pulis.

Dahil sa kahina-hinala ang mga suspect ay sinita ng mga pulis at siniyasat ang sasakyan ng mga ito hanggang sa makita ang may 50 gramong shabu.

Agad na inaresto ang mga suspect at dinala sa PNP Crime Laboratory ang nakumpiskang droga upang suriin.

Inaalam na ng pulisya sa Bureau of Immigration ang rekord ng mga suspect. (Ulat ni Angie dela Cruz)

Show comments