Ex-Quezon governor inaresto ng NBI

Dinakip ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dating gobernador ng lalawigan ng Quezon kahapon sa loob mismo ng Manila Regional Trial Court habang hinihiling nito na ipawalang-bisa ang inilabas na warrant of arrest laban sa kanya.

Kasalukuyang nakadetine ngayon sa NBI detention cell ang suspect na si ex-Governor Eduardo Rodriguez dahil sa kasong insurance fraud sa Estados Unidos.

Nadakip ito ng mga ahente sa sala ng Manila Regional Trial Court Branch 17 habang dinidinig ang paghiling nito na ibasura ang warrant of arrest laban sa kanya na siya namang inihain sa kanyang pagkaaresto.

Nauna nang kakasuhan ng insurance fraud si Rodriguez ukol sa ginawa umano nitong pamemeke ng mga dokumento nang sabihin nitong patay na ang kanyang biyenan sa US sanhi upang makolekta nito ang milyong halaga ng benepisyo ng matanda.

Agad namang nakapaglagak ng piyansa sa korte si Rodriguez para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Nagpalabas naman ng desisyon ang Korte Suprema na tinatanggihan ang piyansang inilagak nito at agad na ipinag-utos ang pagdakip na muli kay Rodriguez.

Hiniling naman ng US Justice Department sa Korte Suprema na simulan na ang extradition proceeding laban sa dating gobernador upang maipadala ito sa Amerika at kaharapin doon ang kanyang kaso.

Ang naturang kaso ay kahalintulad ng kay Manila Rep. Mark Jimenez na kusang-loob na nagtungo sa US dahil sa kontrobersyang kinakaharap nito upang harapin ang mga pagdinig.

Base sa rekord, nanalo ng governatorial election si Rodriguez noong 1996 sa Quezon ngunit nabigo naman sa muli niyang pagtakbo nitong nakaraang 2000 elections. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments