2 tinedyer nilamas ng lolo sa street party

Inaresto ng pulisya ang isang 55-anyos na manyakis na lolo matapos ireklamo ng pangmomolestiya ng dalawang dalagita na pinaghihipuan nito sa maseselang bahagi ng katawan sa isang sayawan para sa Flores de Mayo kahapon ng madaling- araw sa Tondo, Maynila.

Ang dalawang biktima na kapwa luhaang dumulog sa himpilan ng Western Police District-Women and Children’s Desk ay itinago sa mga pangalang Lyn, 16, at Cherry, 11, pawang naninirahan sa Antipolo St., Tondo.

Kasalukuyang nakadetine naman ang suspect na kinilalang si Romeo Gomez, vendor at residente ng # 1139 Interior 14, Vargas St., Tondo.

Sa sinumpaang salaysay ng mga biktima, sinabi ng mga ito na naganap ang insidente sa gitna ng masayang street party na bahagi ng ginaganap na Flores de Mayo sa panulukan ng Tindalo at Cavite Sts.

Nakisayaw umano ang suspect at nang makatiyempo ay pinaghihipuan sa maseselang bahagi ng katawan ang dalawang dalagita.

Nagsisigaw ang dalawang tinedyer at dito’y mabilis namang sumaklolo ang mga nagpapatrulyang barangay tanod at pulis na nagresulta sa agarang pagkakadakip sa suspect na nahaharap sa kasong acts of lasciviousness. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments