Ilang araw pa lamang matapos na ito ay mapulot, umaabot na sa sampu ang claimants at nagsasabing sa kanila ang naturang pera.
Isa nga dito ay ahensiya ng pamahalaan, ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na nagsabing buy-bust money ang napulot na salapi na tinangay ng mga suspect matapos na mabuko ang kanilang operasyon.
Ayon kay CPD director Chief Supt. Napoleon Castro na kailangan pa rin na imbestigahan ang pahayag na ito ng PDEA maging ng iba pang claimant sa pamamagitan ng mga dokumento at ang denomination ng pera.
Kumplikado umano ang sitwasyon pagdating sa usapin sa drug money. Lumilitaw na malaki ang transaksyon ng PDEA sa droga kung sa kanila nga ang napulot na pera.
Isa pang claimant na si Leonora de Jesus ng Lucena City ay iniimbitahan ni Castro na lumantad upang magbigay linaw ukol dito.
Ayon kay de Jesus naholdap siya sa bus sa South Expressway matapos na bigyan ng authorization ng kanyang kaibigang Australyano na mag-withdraw sa PNB Lucena.
Sa katunayan P500,000 ang naturang pera at hindi umano niya alam kung paano napunta ang bag sa Manggahan Market.
Binigyang-diin pa ni Castro na isasailalim sa evaluation ang pahayag ng mga claimants upang matiyak kung sino talaga ang may-ari nito.
Magugunita na ang naturang pera ay napulot ni Senior Inspector Alberto Malaza sa may Manggahan Market sa Commonwealth, Quezon City. (Ulat ni Doris Franche)