Ang suspect na si Ryan Aliarte, umanoy miyembro ng Batang City Jail at residente ng Pampanga St., Tondo ay iniharap kahapon sa mamamahayag ni Western Police District (WPD) Director P/Chief Supt. Pedro Bulaong.
Sinabi ni Bulaong na ang suspect ay nasakote ng mga tauhan ng Special Investigation Branch (SIB) ng naturang himpilan sa ilalim ng pamumuno ni P/Insp. Alfredo Orplasa.
Si Aliarte ay personal namang kinilala ng biktimang si Grace Vergel, 22, reporter ng Radio Mindanao Network (RMN) at naninirahan sa Velasquez St., Tondo, Manila.
Magugunita na si Vergel ay hinoldap ni Aliarte dakong alas 5:45 ng madaling araw noong nakalipas na Abril 16 sa Plaza Lacson habang nag-aabang ng masasakyan patungong WPD headquarters sa United Nations Avenue kung saan tinutukan ito ng baril at natangayan ng Nokia 3210 cellphone at P5,000 cash.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang suspect ang siya ring nasa likod ng panghoholdap at pagpaslang sa isang 19 anyos na Filipino-Chinese student na si Mary Grace Sy na naganap sa Quezon Bridge, Ermita, Maynila nito namang Abril 14 ng madaling araw. (Ulat ni Joy Cantos)