Puri kapalit ng P50.00

Hindi akalin ng isang dalagita na ang kanyang hangaring magkabaon ng P50 ang maglulugso ng kanyang puri makaraang halayin ng isang 62 anyos na lolo habang naglilinis ng bahay sa Tondo, Maynila.

Ayon sa biktimang itinago sa pangalang Cecile, 2nd year high school sa Tondo High School, pinagsamantalahan siya ng suspect na si Tomas Garcia, may-asawa at residente ng 750 Marcado St. Tondo, Maynila. Si Garcia ay kasalukuyang pinaghahanap ng mga awtoridad.

Lumilitaw na tinawag ng suspect ang biktima upang maglinis ng bahay kapalit ng halagang P50 upang pambaon sa eskuwela.

Dala ng tiwala sa matanda na palaging kainuman ng kanyang ama pumayag ang biktima na linisin nito ang bahay ng una.

Kasalukuyang naglilinis ang biktima nang biglang pumasok ang suspect at sinimulang halayin ang una.

Bagama’t tinakot ng suspect ang biktima na papatayin ito pag nagsumbong ginawa pa rin nitong magreklamo sa pulisya kasama ang kanyang ina. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments