Ang nasawing lolo na si Luciano Verjes ay kabilang sa may 300 katao na naospital matapos malanghap ang mabahong amoy na sumingaw sa R.I Chemical Industry na matatagpuan sa Joe Boris St. sa Bagong Ilog ng nabanggit na lungsod.
Ang pagkasawi ng biktima ay kinumpirma ni Barangay Capt. Bing Avis.
Sinabi ni Avis na marami ang naisugod sa pagamutan makaraang makaramdam nang pagkahilo, pagsusuka, pagsakit ng tiyan at paninikip ng paghinga. Ito ay matapos na aksidenteng sumabog at sumingaw bunga ng matinding init ang isa sa mga tangke ng nasabing planta na may lamang vinyl acetate monomer sa loob ng production area.
Kaugnay nito, pinakiusapan naman ng mga local health officers ang mga empleyado ng naturang planta na lumayo ng may 800 metro mula sa idineklarang radius danger zone.
Masusi namang sinisiyasat ng mga local government officers ang reklamo ng mga residente sa lugar na nagtatapon umano ng mapaminsalang kemikal sa ilog ang plantang ito na pansamantalang ipinasara ni Pasig City Mayor Soledad Eusebio. (Ulat ni Joy Cantos)