Dealer ng cocaine at ecstacy nalambat ng PDEA

Naaresto ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang kalalakihan na pinaghihinalaang dealer ng cocaine at ecstacy habang sakay ng kanilang kotse sa Pasig City.

Nakilala ang mga suspect na sina Benson Gerard del Rosario, alyas Benson, 29, binata ng 40 Oliva St. Valle Verde IV, Pasig City at Alfredo Guerrero, 32, may-asawa at nakatira sa 555-B Wack-Wack Subdivision, Mandaluyong City.

Batay sa ulat ng PDEA, unang nadakip sa isang buy bust operation ang suspect na si Guerrero makaraang makipagtransaksiyon ang operatiba ng PDEA sa pagbili ng ecstacy tablet sa panulukan ng Pioneer St. at Shaw Blvd. sa Pasig dakong alas-9 kamakalawa ng gabi.

Nakumpiska din kay Guerrero ang limang tabletas ng ecstacy na may markang "TOYOTA" na nakalagay sa isang selyadong plastic.

Nabatid na si Guerrero ang itinuturong supplier umano ng ecstacy sa mga mayayamang kabataan sa Valle Verde Subdivision at mga "young urban professional" (yuppies) sa nasabing lungsod.

Dakong alas-11:50 naman ng gabi nang maaresto si del Rosario sa may Ruby St. sa Ortigas Center, Pasig makaraang tangkain nitong tumakas sakay ng kanyang kotse mula sa mga operatiba.

Dahil dito, kinailangan pang basagin ng mga awtoridad ang salamin ng kanyang sasakyan upang mapigilan sa pagtakas.

Nakuha naman kay del Rosario ang 20 gramo ng hinihinalang cocaine na nagkakahalaga ng P10,000.

Ang dalawang suspect ay kasalukuyang nakapiit sa Camp Crame habang inihahanda ang kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Act of 2002. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments