Nabatid sa imbestigasyon ng pulisya na naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali sa loob ng Golden Highway Transit bus na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA partikular na malapit sa Camp Crame.
Ayon sa pulisya, nakatanggap sila ng tawag sa telepono hinggil sa umanoy bomba na iniwan ng hindi pa nakikilalang indibidwal sa loob ng naturang bus.
Nang malaman ng mga pasahero sa bus ang report lalot nakita nila ang mga elemento ng SWAT na pumara sa kanilang sasakyan ay nagpanic na ang mga ito.
Paghintung-paghinto ng bus ay nagkanya-kanya nang pulasan at baba ng sasakyan ang maraming mga pasahero na nagresulta sa pagkakagulo kaya marami sa kanila ang nasugatan.
Nang siyasatin naman ng pulisya ang isang malaking kahon na iniwan sa bandang likuran ng bus doon nila nalaman na naglalaman lamang ito ng mga laruan at mga basag na plato at baso.
Gayunman, dahil na rin sa matinding takot hindi na nagsibalik pa sa bus ang mga natakot na mga pasahero. (Ulat ni Angie dela Cruz)