Pasig City na-chemical attack: 300 na-ospital

Aabot sa 300 katao karamihan ay mga bata ang isinugod sa pagamutan matapos makalanghap ng mabahong amoy mula sa nakakalasong kemikal na sumingaw sa planta na pag-aari ng bayaw ni MMDA Chairman Bayani Fernando sa Pasig City.

Sinabi ni Bio Inocencio, konsehal sa Brgy. Bagong Ilog ng nabanggit na lungsod na dakong alas-4:10 ng hapon kamakalawa nang mag-umpisang sumingaw ang planta ng R.I Chemical Industry na matatagpuan sa Joe Boris St. E. Rodriguez Avenue ng nabanggit na lungsod.

Ang masamang amoy ay mabilis na kumalat sa lugar hanggang kahapon kung saan ay napilitan nang ilikas ang mga residente at ang marami ay isinugod na sa pagamutan dahil sa pagkahilo at hirap sa paghinga.

Base sa inisyal na imbestigasyon, aksidenteng sumabog ang chemical resin container o storage ng naturang planta na hinihinalang nag-overheat dahil sa sobrang init na umano’y ngayon lamang naganap sa loob ng 45 taon nitong operasyon.

Ang nasabing planta ay sinasabing gumagawa ng vinyl at mga pandikit sa carpet.

Dahil umano sa pagsabog ay umapaw ang kemikal mula sa tangkeng kinalalagyan nito kung saan tuluyan nang sumingaw ang nakakahilong amoy.

Karamihan sa inilikas na mga residente ay pansamantalang inilagak sa isang paaralan. Nagtungo na rin doon ang mga kinatawan ng DENR upang magsagawa ng pagsusuri at inspeksiyon sa lugar. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments