Natatawa man, nahahaluan din ng pagtataka si BI Commissioner Andrea Domingo sa naganap na insidente sa NAIA 2 centennnial terminal dakong alas-4 ng hapon ng iprisinta ng isang pasahero sa immigration counter ang Philippine passport nito na may pangalang Ferdinand Edralin Marcos.
Ayon kay Domingo, na nagsasalita ng Tagalog at Ilocano ang pinigil na pasahero na dapat ay papasakay sa PAL flight patungo sa Hong Kong ngunit pinababa dahil sa pekeng pasaporte.
Nakalagay pa sa pasaporte nito na bukod sa pangalang Marcos, ito ay ipinanganak din sa Sarrat, Ilocos Norte noong nakalipas na Setyembre 11, 1917 sa kaarawan din ng dating Pangulo.
Binanggit pa ni Domingo na sa isang pahina pa ng pasaporte nito nakalagay ang seal ng Pangulo ng Pilipinas. Nang masusing imbestigahan, iginiit ng lolo na siya mismo si Marcos.
Sa kabilang banda, sinabi naman ni Manuel Ferdinand Arbas, technical assistant ni Domingo na isasailalim pa sa beripikasyon kasama ang DFA ang nasabing pasaporte na nakuha sa matanda para malaman kung balidong ipinalabas ito ng departamento.
Nagpahiwatig din naman si Arbas na ang nasabing pasaporte ay isang genuine at walang nakitang tampering o alterations sa nasabing travel document. (Ulat ni Jhay Mejias)