Kasabay nito, hiniling ng nagsisipag-protestang 65 guro ng Marikina City National High School sa Department of Education (DepEd) ang agarang pagpapatalsik sa kanilang principal na si Lagrimas Garcia.
Ayon kay Marikina City Schools Division Administrator Claro Capco, bunga ng hindi mapigilang pagli-leave ng mga guro ay napilitan na lamang magsiuwi ang tinatayang mahigit 3,000 estudyante sa nasabing eskuwelahan na matatagpuan sa Brgy. Concepcion Uno ng lungsod.
Nabatid na sinampahan ng mga guro ng kasong administratibo si Garcia dahil sa umanoy pagmamanipula sa kooperatiba sa canteen na ipinamahala nito sa kanyang mga kamag-anak simula pa noong Disyembre ng nagdaang taon.
Sinabi ng nagsisipag-protestang mga guro na nagsipag-picket sa labas ng eskuwelahan na dapat umanong patalsikin si Garcia dahil sa paglabag sa Section 7 ng Republic Act 8713 o ang pagbabawal na magsagawa ng anumang transaksyon para sa personal na interes.
Inihayag pa ni Capco base sa isinumiteng leave of absence ng mga guro sa nasabing eskuwelahan na hanggang Marso 12 sila hindi papasok sa trabaho.
Nagbanta rin ang mga guro na hindi sila titigil sa pagra-rally hanggat hindi napapatalsik sa posisyon si Garcia. (Ulat ni Joy Cantos)