Mag-asawa, minasaker at ninakawan

Pinatay muna bago pinagnakawan ng hindi pa nakikilalang mga suspect ang isang mag-asawa sa loob ng kanilang tahanan kahapon ng tanghali sa Parañaque City.

Dead on the spot ang mga biktima na nakilalang sina Catalina, 65 at Primo Espiritu, 89, kapwa nakatira sa 19396 Ilang-Ilang St. Sitio Matadto, Greenheights Village, Brgy. San Isidro, P.C bunga ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Mabilis namang nakatakas ang mga salarin tangay ang mga mahahalagang gamit ng mag-asawa.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-12:45 ng tanghali sa loob mismo ng bahay ng mag-asawa habang nanonood ng telebisyon.

Sapilitang binuksan ng mga suspect ang pinto ng bahay at pinagsasaksak ang mag-asawa bago tuluyang limasin ang mga pera at alahas.

Ilang kapitbahay naman ang nakapansing may kakaibang nangyayari sa bahay ng mga biktima kung kaya’t agad na tumawag ng pulis.

Subalit ang bangkay na lamang ng mag-asawa na naliligo sa sariling dugo ang naabutan ng mga pulis.

Malaki din ang paniniwala ng pulisya na posibleng kilala ng mga biktima ang mga suspect kung kaya’t pinatay muna ito bago ninakawan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments