Namatay habang ginagamot sa QCGH ang biktimang si Gaspar Luna, 47, ng Sitio Mendez, Brgy. Baesa, Q.C. matapos na magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat ibang bahagi ng katawan.
Batay sa imbestigasyon ni PO1 Leo Nino Pasco ng CPD-CIU, naganap ang insidente dakong alas-3:40 kamakalawa ng hapon habang nagpapagasolina sa Caltex Station sa Quirino Highway Baesa, Q.C. ang biktima.
Sakay ng kanyang KIA LX, biglang nilapitan ng dalawang suspect ang biktima kasabay ng pagdedeklara ng holdap.
Mabilis na kinuha ng mga suspect ang mga mahahalagang gamit ng biktima kasama ang pera at mga alahas nito.
Subalit hindi pa nasiyahan ang mga suspect at pinagbabaril pa ang biktima.
Ayon sa pulisya, posibleng natiktikan ng mga suspect ang biktima at itinaon ang pagsasagawa ng krimen habang nagpapakarga ng gasolina. (Ulat ni Doris Franche)