31-anyos lasog sa tren

Lasug-lasog ang katawan ng isang 31-anyos na lalaki matapos itong makaladkad ng tren habang natutulog sa labas ng kanyang bahay, kahapon ng umaga sa Sta. Mesa Manila.

Halos hindi na makilala ang labi ng biktimang si Teddy delos Santos ng 3496 Magsaysay Blvd. Sta. Mesa ng nabanggit na lungsod dahil sa naganap na aksidente.

Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na dakong alas-4:30 ng umaga nang maganap ang insidente sa tapat mismo ng bahay ng biktima.

Napag-alaman na lumabas ng bahay ang biktima para umano magpahangin at ituloy ang kanyang pagtulog dahil mainit sa loob ng kanilang bahay.

Kinuha nito ang isang mahabang bangko at doon nahiga. Naiidlip na ang biktima at hindi namalayan ang dumarating na tren na kumaladkad sa kanya ng may 25 metro ang layo. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments