Kinilala ni P/Sr. Supt. Ernesto Catunggal, Chief ng Pasig City Police ang nasakoteng suspect na si Carmelo Porlaje, 41, na nadakip sa isang follow-up operations sa Floridablanca, Pampanga.
Dinakip ang suspect nitong Miyerkules ng hapon sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ng Pasig City Regional Trial Court (RTC).
Sinabi naman ni P/Insp. Rodante Arcigal, pinuno ng arresting team na si Porlaje at ilan pa nitong kasamahang rebelde ay sangkot sa panloloob kay Arlene Digo ng P1.9M cash at mga alahas sa Brgy. Ugong, Pasig City noong nakaraang taon.
Inamin naman ni Porlaje sa isinagawang inisyal na interogasyon na napilitan umano siyang magnakaw matapos na madispalko ang P50,000 koleksiyon sa revolutionary tax ng Narciso Aramil Command, ang grupo ng NPA na aktibong nag-ooperate sa Rizal at iba pang kanugnog lugar.
Ang P50,000 ay pambili umano ng computers ng NPA na galing sa pangingikil ng mga ito ng revolutionary tax.
Natakot umano si Porlaje na paslangin ng kapwa rebelde kayat inilihim ang pagkakadispalko sa naturang halaga hanggang sa mapilitan siyang sumapi sa isang notoryus na robbery gang upang maisoli ang nadispalko.
Si Porlaje ay namasukan umanong driver ng nasabing Japayuki na nagbalikbayan kung saan ay plinano ang panloloob sa kanyang amo.
Inamin din ni Porlaje na kabilang din umano siya sa NPA team na pumaslang sa isang police major sa San Mateo, Rizal may ilang taon na ang nakakaraan. (Ulat ni Joy Cantos)