Ito ay matapos na humingi ng tulong kahapon sa Department of Foreign Affairs (DFA) si Esmeraldo Appari Jr., ng Cypress Village, Kaingin, Quezon City makaraang makatanggap ng sulat mula sa kanyang live-in partner na si Felisa Tumanguel, isang OFW kaugnay sa ginagawang pananakit ng kanyang among si Shaqi Shadly Haddad ng Ummlujj, Tabuk, KSA.
Ayon sa DFA Consular Affairs Office, ipinadala na ang kanilang fax message sa Phil. Consulate sa Jeddah upang matunton ang kinaroroonan ni Tumanguel at matulungan ito.
Base sa ulat ni Tumanguel kay Appari, hindi na umano niya matiis ang pahirap na nararanasan sa kanyang amo. Humihingi rin ng tulong ang nabanggit na OFW sa kanyang ahensiyang Anchor International na nasa Malate, Maynila para makabalik na siya sa bansa.
Si Tumanguel ay umalis ng bansa noong Hulyo 26, ng nakalipas na taon para sa dalawang taong kontrata sa Saudi.
Sinabi pa ni Appari na ito ang una at huling sulat na natanggap niya kay Tumanguel kaya labis ang kanyang pag-aalala na baka may nangyari ng masama dito sa kamay ng malupit na amo. (Ulat ni Ellen Fernando)