Murder case isasampa na vs killer ni Llamas

Pormal na isasampa sa darating na Lunes ang kasong murder laban sa suspect na bumaril at nakapatay sa Ateneo Law graduate na si Jose Ramon Llamas.

Ang kaso ay ihaharap ng National Bureau of Investigation sa Pasay City Regional Trial Court. Ito ay matapos na lumabas ang resulta ng isinagawang ballistic test na positibong ang suspect na si Basher Abdul Rakhman ang nagmamay-ari ng 9mm na ginamit sa pagpaslang kay Llamas.

Tugma din ang diskripsiyon nito sa ibinigay na pahayag ng mga pangunahing testigo sa kaso.

Sa pinakahuling ulat, nabatid na namataan si Rakhman sa lalawigan ng Palawan at Pampanga na nagbebenta ng mga pirated na video compact discs at CD na kanyang negosyo.

Magugunitang simpleng pagtatalo sa trapiko ang nag-ugat sa naganap na krimen at isa sa dahilan kung bakit iniutos ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang pagkasenla sa lahat ng permit sa baril ng mga sibilyan. (Ulat nina Grace dela Cruz, Danilo Garcia at Lordeth Bonilla)

Show comments