Pulis na sinibak sa serbisyo nag-suicide

Mas minabuti pa ng isang dating pulis-Maynila na wakasan ang kanyang buhay sa pamamagitan ng pagbibigti makaraang maalis sa serbisyo at pagkatapos ay abandonahin pa ng kanyang pamilya, sa San Andres Bukid, Manila, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang nagpakamatay na si Manolito Acebedo, 33, ng Radium St. San Andres, Manila.

Nabatid mula sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-4:45 ng hapon nang matagpuan ang labi ng biktima sa kanyang kuwarto na may tali ng nylon cord sa leeg.

Napag-alaman pa sa ulat na si Acebedo ay naalis sa serbisyo dahil sa pagiging drug dependent na naging dahilan upang iwanan ito ng kanyang pamilya.

Posibleng labis na dinamdam ng dating pulis ang mga pangyayari kaya napilitan itong magpatiwakal. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments