Lumulutang sa imbestigasyon ng Pasay City Police, posibleng pulis ang pumatay kay Llamas base na rin umano sa pahayag ng isa sa tatlong saksi.
Kakaiba naman ito, sa resulta ng imbestigasyon na isinagawa ng NBI na kumilala naman sa isang Cola Didato, 38, negosyante buhat sa Cavite na siyang gunman ni Llamas.
Nabatid na si Didato ang may-ari ng motorsiklong nakagitgitan ng biktima sa gitna ng trapik na naganap noong nakalipas na Enero 10, dakong alas- 4:10 ng hapon sa Buendia-Taft Avenue sa Pasay City.
Matapos na maberipika sa Land Transportation Office (LTO) ang naturang sasakyan ang may-ari na si Didato ang itinuturing na suspect.
Hawig din ito sa cartographic sketch na ibinigay ng ilang mga testigo sa NBI.
Dahil dito, litung-lito na ang mga kaanak ng biktima kasabay nang pagsasabing sana naman ay tunay na suspect ang tunguhan ng imbestigasyon. (Ulat ni Lordeth Bonilla)