Killer ng Ateneo law graduate kinilala

Natukoy na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang itinuturong suspect sa pagpatay sa isang Ateneo Law graduate na pinagbabaril matapos na magkapikunan sa daloy ng trapiko noong nakaraang linggo sa lungsod ng Manila.

Kinilala ni NBI Director Reynaldo Wycoco ang suspect na si Cola Didato, 38, naninirahan sa Cavite.

Tiniyak ni Wycoco na nagkakatugma ang ipinalabas na cartographic sketch sa pagkakakilanlan kay Didato at sa nakitang larawan nito sa rehistro ng motorsiklong gamit nito nang barilin ang biktimang si Jose Ramon Llamas noong nakaraang Biyernes sa kahabaan ng Taft Avenue, Buendia, Pasay City.

Magugunita na makaraang pagbabarilin ng suspect si Llamas ay mabilis na nitong iniwan ang sinasakyang motorsiklo sa pinangyarihan ng krimen at mabilis na tumakbo. Ang insidente ay naganap dahil lamang sa simpleng gitgitan sa gitna ng trapiko kung saan si Llamas ay sakay ng kanyang kotse habang ang suspect naman ay sakay ng kanyang motorsiklo.

Lumalabas sa imbestigasyon ng NBI na ilang araw makaraan ang insidente ay bigla na lamang isinara ang tindahang pagmamay-ari ni Didato sa Cavite at hindi na muling nakita ito sa nasabing lugar. Gayunman, hiniling ni Wycoco na sumuko na lamang si Didato upang hindi na bumigat pa ang kahaharapin nitong kaso at upang maipagtanggol din ang kanyang sarili. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments