Lolo dinedo ng kapitbahay

Isang lolo ang nasawi, samantalang nasa kritikal na kondisyon ang maybahay nito matapos na pagsasaksakin ng kanilang kapitbahay na kanilang nakaalitan dahil lamang sa agawan sa lupa sa Quezon City.

Patay na nang idating sa Fairview General Hospital ang biktima na nakilalang si Marciano Suarez, 72, ng Kalayaan A, Brgy. Batasan Hills sa nabanggit na lungsod matapos na magtamo ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Samantala, ginagamot pa rin sa nasabing pagamutan ang misis nito na si Benigna, 70, na nagtamo naman ng saksak sa bibig.

Agad namang nadakip ang suspect na nakilalang si Ismael Victoria, 64, na kasalukuyang nakapiit sa CPD-Batasan Station.

Batay sa imbestigasyon, dakong alas-9:30 kamakalawa ng gabi ng maganap ang insidente matapos na pasukin ng lasing na suspect ang bahay ng mga biktima.

Walang sabi-sabing inundayan ng saksak ng suspect ang nasawi habang ito ay natutulog. Tinangka naman ng asawa nito na awatin ang suspect subalit siya naman ang pinagbalingan ng saksak.

Nabatid na matagal na umanong may alitan ang biktima at suspect dahil na rin sa pagpapatanggal ng nasawi sa bahay ng huli na nakatayo sa isang lote malapit sa bahay ng mga biktima.

Papatakas na umano ang suspect ng maaresto ng pulisya. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments