Nakilala ang mga nasa kritikal na kalagayan na sina Vicente Macato, 29; Rene Lozano, 32 at Henry Mali, 34. Ang mga nabanggit ay nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila.
Ang iba pang sugatan ay sina Eduardo Macato, 2; John Vincent Macato, 3; Gabriel Perez, 4; Joshua Macato, 6 at Endrose Macato, 7, na pawang ginagamot sa Our Lady of Lourdes Hospital sanhi din ng pagkasunog ng kamay, paa at mata, habang sina Nilo Venildo, 3-buwang gulang ay naka-confine sa Philippine General Hospital at si Marvin Gabriel 1-buwang gulang ay isinugod naman sa Mandaluyong Medical Center.
Nabatid sa report ni SPO2 Patrick Cruz ng Western Police District-Station 6 na dakong alas-8 ng gabi ng maganap ang pagsabog sa loob ng Bertos Junkshop na pag-aari ni Norberto Macato, 65 sa 1730 Road 4, Barangay Bagong Sicat, Punta Sta. Ana, Manila.
Sinasabing bago maganap ang nasabing malakas na pagsabog ay nagputol ng mga lumang bakal ang mga tauhan ng junkshop gamit ang acetylene ng bigla na lamang magtapon ng sigarilyo ang isa sa mga trabahador na nagresulta sa pagsabog.
Bunga nito, bumagsak sanhi ng malakas na pagsabog ang tatlong palapag na bahay ni Macato. Apat pa ring kalapit bahay nito ang nawasak.
Pinabulaanan ng pulisya ang unang ulat na vintage bomb ang naging dahilan ng pagsabog. (Ulat ni Grace dela Cruz)