Naging tulay ang Philippine Star sa pagsuko ni PO3 Jose "Joey" Salazar kahapon ng alas-4 ng hapon.
Sinamahan si Salazar nina Col. Rodolfo Llorca at C/Insp. Edgar Aligtong sa tanggapan ng Philippine Star upang pormal na dalhin kay Metro Manila police chief Deputy Director General Reynaldo Velasco.
Kasamang isinuko ni Salazar ang kanyang service firearm at baril na Czech 75, 9mm na ginamit ng kanyang pamangking si Borbie Salazar Rivera sa pagbaril at pagpatay sa mga biktimang sina Anthony Petilla, Catalino Bautista Jr. at Joselito Manlangit.
Ayon kay Salazar, hindi umano siya nagtago sa batas matapos ang insidente bagkus ay kanyang hinanap ang kanyang pamangkin na responsable sa pagpatay.
Pinaliwanag ni Salazar, nang mangyari ang insidente siya ay nasa bahay nang tawagin siya ni Shiela (kasintahan ni Borbie) na ang kanyang pamangkin ay may dalang baril at susugurin ang mga biktima na kaaway nito.
Agad umano nitong sinundan ang pamangkin para awatin subalit habang sila ay papalapit sa grupo ng mga biktima sila umano ay pinaputukan.
Gumanti ng putok si Rivera sa grupo ng biktima at habang nagpapaputok ay naagaw ito ni Salazar.
Pagkatapos ang pagpapaputok ay mabilis na tumakas si Rivera.
Sinabi pa ni Salazar na kaya hindi agad siya sumuko bagamat nagpalabas na ng "Task Force TUGIS" si Velasco ay dahil hinahanap pa niya ang kanyang pamangkin.
Nang malaman niya na ito ay nasa kustodya ng kanyang abogado at handa na ring sumuko, agad niyang ipinabatid sa Philippine Star ang kanyang pagsuko kay Velasco. (Ulat ni June G. Trinidad)