Sinabi ng ilang kawani na hindi umano makatao at makatarungan ang ginawang pagtanggal sa kanilang trabaho.
Ayon kay Engr. Carlito Perez, Operations Manager ng LRTA maintenance hindi umano makatao ang ginawa ng LRTA management sa mga empleyado hindi man lamang pinalipas ang pagpasok ng Bagong Taon.
"Nagulat na lamang kami dahil hindi na raw kami puwedeng pumasok, puwede ba yon, paano ang aming pamilya, Bagong Taon pa naman," ani Perez.
Sinabi pa nito na walang dapat sisihin sa panggigipit kundi ang kontraktor ng LRTA manager na Techno Rail na namamahala para sa manpower services ng nabanggit na tanggapan.
Maaaring magbigay panganib din sa LRTA ngayon dahil ang 63 tren na pasada sa LRT araw-araw ay hindi tiyak na nababantay ng maintenance division. Karamihan sa 400 empleyado na naapektuhan sa ginawang "Sibakan Blues" ay mula mismo sa maintenance division ng LRTA.
Ayon naman kay Frank Lorenzo, tagapagsalita ng Techno-Rail ang ginawang hindi pagpasok ng ilan nilang empleyado ay dahil tapos na umano ang kanilang pinirmahang kontrata.
Itinanggi pa nito na mahigit sa 400 empleyado ang apektado at hindi umano mga regular employees ng LRTA kundi mga sub-contractors lamang. (Ulat ni Lordeth Bonilla)