Most wanted sa Caloocan nasakote

Kasamang magbabagong taon ng tinaguriang Caloocan’s most wanted ang kanyang mga kasamahan sa kilabot na ‘Bulabog Gang’ sa kulungan nang maaresto ng puwersa ng Caloocan City Police sa isinagawang pagsalakay sa bahay nito kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Kinilala ang leader ng ‘Bulabog Gang’ na mayroong 14 counts of murder na personal nitong isinagawa na si Dennis Manalo, 20-anyos ng Phase 7A, Blk. 17, Pkg. 10, Lot 29, Bagong Silang, Caloocan City.

Ang suspek ay nadakma sa bisa ng warrant or arrest na ipinalabas ni Judge Myrna Dimaranan Vidal ng Caloocan City Regional Trial Court Branch 127.

Nabatid na isang impormante ang natanggap ng Caoocan City Police hinggil sa paglutang ng suspect sa nasabing lugar kung kaya’t agad na binuo ang "Task Force Kidlat" upang madakip si Manalo.

Ilang araw at gabing binantayan ng nasabing task force ang paligid sa tinutuluyang bahay ng suspek at hindi naman nabigo ang mga ito nang lumutang kamakalawa ng gabi si Manalo at agad na nadakma.Sinasabing si Manalo na leader ng nabuwag na ‘Bulabog Gang’ ay may patong-patong na kaso ng hold-up, robbery with homicide bukod pa sa 14 na pagpatay na personal nitong pinamunuan. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments