Onsehan sa droga: Tulak patay sa kabaro

Isa umanong ‘tulak’ ng droga ang binawian ng buhay matapos itong pagsasaksakin ng dalawa pang kapwa ‘tulak’ dahil sa onsehan sa bentahan ng shabu kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Dead-on-the-spot dahil malalalim na saksak sa dibdib si Rosebert Barrios, 31, binata ng Bisig ng Nayon, Caloocan City.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang mga suspek na agad na tumakas makaraan ang insidente ng pananaksak na sina Abelardo Macayo, alyas Potpot at isang alyas Don Don na pawang residente ng Tamaris St., Barangay Tugatog, Malabon.

Sa ulat nabatid na naganap ang pangyayari dakong 8:30 ng gabi sa bahay na tinutuluyan ng dalawang suspek.

Nabatid na bago maganap ang pamamaslang ay binigyan umano ng dalawang suspek si Barrios ng hindi nabatid na dami ng shabu para ipagbili sa mga parukyano nito.

Nang magkita-kita ang tatlo sa nasabing lugar ay nag-inuman muna ang mga ito at ng nasa kalagitnaan ng kanilang paghaharap ay hinanap ng mga suspek sa biktima ang pinagbilhan ng shabu subalit walang maibigay na pera ang biktima.

Dahil dito nagkaroon ng mainitang komprontasyon sa pagitan ng dalawang suspek at ng biktima hanggang sa kapwa nagsibunot ng patalim ang mga suspek at pinagtulungang pagsasaksakin ang una sa dibdib na agad na ikinamatay nito.

Agad ring tumakas ang mga suspek dala ang patalim. (Rose Tamayo)

Show comments