Seguridad sa LRT, MRT hinigpitan

Higit pang pinaigting ang seguridad na ipinatupad ng pangasiwaan ng Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT) upang siguruhin ang kaligtasan ng mga commuters kaugnay ng ikalawang taong anibersaryo ng malagim na Rizal day bombing sa darating na Lunes.

Kasabay nito, nagpakalat na ng karagdagang mga security guards at mga pulis mula sa National Capital Region Police Office (NCRPO) na itinalaga para magbantay sa bawat istasyon ng naturang mga tren.

Ang hakbang ay upang di na muling maulit pa ang nakapanlulumong Rizal day bombing na kumitil ng buhay ng may 20 katao habang mahigit naman sa 50 ang nasugatan noong Disyembre 30, 2000.

Sinabi ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Teddy Cruz, na sa pagpasok pa lang ng buwan ng Disyembre ay nakataas na sa red alert ang buong operasyon ng LRT at bunga na rin ng anibersaryo ng naganap na Rizal day bombing ay lalo pa silang naghigpit sa seguridad.

Nabatid na bukod sa mga unipormadong pulis na nakabantay sa bawat istasyon ng LRT ay mayroon ding mga pulis na kasama sa bawat pagbiyahe ng tren na nakapuwesto sa may unahan at mayroong nakahalo sa mga sibilyan upang maniktik sa mga kahina-hinalang indibidwal mula sa grupo ng mga terorista na maaaring magsagawa ng pananabotahe sa tren.

Gayundin, upang makaiwas sa sakuna ay mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasakay ng mga paputok sa loob ng tren kabilang na ang mga fountain at lusis.

Ayon kay Cruz, tuwing Kapaskuhan at ngayong Bagong Taon ay maraming mga commuters ang sumasakay sa LRT na kadalasan ay maraming mga dalang mga bagahe kaya’t nag-iispeksiyong mabuti ang mga security ng LRT katulong ang mga pulis kung saan binubuksan maging ang mga nakabalot na regalo upang tiyakin na wala itong bomba.

Tiniyak rin ni Cruz na walang dapat ipangamba ang mga commuters dahilan nakaalerto ang buong puwersa ng pulisya na nagpapatupad ng round the clock na nakamonitor sa buong istasyon mula Monumento hanggang Baclaran. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments