2 pulis, 1 pa dumukot ng trader, timbog

Dalawang pulis kasama ang isa pang sibilyan ang inaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay sa kasong pagdukot sa isang negosyante sa Maynila noong nakalipas na Disyembre 1, ng taong kasalukuyan.

Kinilala ni NBI director Reynaldo Wycoco ang mga nadakip na sina PO2 Feliciano Sisi, 33, nakatalaga sa PNP Support Service Administrative Holding Center sa Camp Crame; PO3 Sherwin Sumile, 40, at ang sibilyang si Joselito Salvador, 36.

Nabatid sa isinagawang imbestigasyon ng NBI, lumuwas sa Maynila ang biktimang si Vicente Gentugao noong nakalipas na Disyembre 1 para bumili ng mga gamit sa kanyang junkshop kasama ang isang nagngangalang Len na kaibigan nito.

Papauwi na ang mga biktima nang bigla silang lapitan ng mga suspect na nagpakilalang mga pulis kasabay nang agarang panunutok ng baril sa mga biktima.

Mabilis umanong isinakay ang mga biktima sa isang puting kotse at dinala sa hindi mabatid na lugar.

Ilang sandali pa ay tinawagan ng mga suspect ang kapatid ni Gentugao sa pamamagitan ng cellphone at humihingi ng P100,000 kapalit ng kalayaan ng mga biktima.

At dahil naman sa walang maibigay na pera ang kaanak ng mga dinukot ay napilitan na silang humingi ng tulong sa NBI noong ika-4 ng Disyembre.

Itinuloy naman ng mga kaanak ng biktima ang pakikipagtawaran sa mga suspect hanggang sa makumbinsi nila ang mga ito sa halagang P30,000 na lamang.

Itinakda ang pay-off sa harapan ng Luneta Grandstand ngunit lingid sa kaalaman ng mga suspect ay isang patibong din ang inihanda sa kanila ng mga awtoridad.

Dinakip ang mga suspect habang tinatanggap ang pera sa kaanak ng mga biktima.

Nasamsam sa mga nadakip ang dalawang paltik na baril at ilang gramo ng shabu, gayundin ang isang Nissan Stanza na gamit ng mga ito sa operasyon.

Walang piyansa na inirekomenda ang piskalya para sa pansamantalang kalayaan ng mga suspect. (Ulat ni Grace Dela Cruz)

Show comments