Kasalukuyan nang tinatalakay sa House Committee on Energy ang panukalang batas na naglalayong patindihin ang kampanya ng pamahalaan laban sa electric pilferage o walang habas na pagnanakaw ng kuryente.
Layunin ng House Bill 4390 na inihain ni Camiguin Rep. Jurin Romualdo na amyendahan ang Republic Act No. 7832 o ang Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/ Material Pilferage Act of 1994 na patawan ng parusang pagkakulong ng mula 35 hanggang 45 taon ang mga magnanakaw ng kuryente o multang mula P150,000 hanggang P500,000.
Bibigyan naman ng pabuyang P5,000 hanggang P50,000 ang mga magkapagbibigay ng impormasyon kaugnay sa mga gumagamit ng jumper.
Sinabi ni National Power Corporation president at chief operating Roland Quilala na isang lantarang pananabotahe sa ekonomiya ang pagnanakaw ng elektrisidad.
Maituturing na rin umanong isang karumal-dumal na krimen ang pagnanakaw ng kuryente dahil naaapektuhan nito ang ekonomiya ng bansa.
Sinabi naman ni Romualdo na base sa estadistika, umaabot sa 100 milyong kilowatt hours o P1.4 bilyon ang nawawala dahil sa pagnanakaw sa kuryente. (Ulat ni Malou Escudero)