Pilit pang nanlalaban sa mga pulis ang mga suspect na sina Sr. Insp. Loreiman Manrique ng Special Enforcement Unit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PO1 Froilan Trestisa, nakatalaga sa Special Action Unit ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at si Rodie Pineda alyas Buboy.
Positibong kinilala ang mga ito ng umanoy mga biktima nilang sina Maria Irma Navarro at Lawrence Yu na siyang dumukot sa kanila noong Nobyembre 7 matapos silang umalis sa Where Else Disco sa Makati City.
Sa imbestigasyon, sinabi nina Navarro na papasakay na umano sila ng kotse dakong ala-1 ng madaling araw nang tatlong armadong lalaki ang lumapit. Ipinasok ng mga suspect si Navarro sa loob ng kanyang Honda Civic, habang isinakay naman si Yu sa isang naghihintay na Mitsubishi van.
Dinala ang mga ito sa Ortigas Avenue sa San Juan at agad na inutusan ang dalawa na kumontak sa kanyang pamilya at mag-produce ng P1 milyon para sa kanilang kalayaan at kung hindi ay agad silang papatayin.
Nakontak naman ni Yu ang ilan sa kanyang mga kaibigan kung saan nakapagbuo lamang ang mga ito ng P180,000 na dinala sa mga suspect sa isang gasolinahan sa Ortigas. Tinangay din ng mga suspect ang Rolex watch at iba pang alahas ni Yu na nagkakahalaga ng P270,000.
Napilitang magsumbong sina Navarro at Yu sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa patuloy na pangungulit ng mga suspect na nanghihingi pa ng P500,000.
Dito na nagsagawa ng entrapment operation ang CIDG at unang naaresto si Pineda sa harap ng New World Hotel sa Pasay Road, Makati. Nakuha sa kanyang posesyon ang kuwintas, Nokia 7650 ni Yu at isang pulang Toyota Corolla.
Itinuro naman nito si Trestisa na naaresto sa Club V sa Makati kung saan nakuha sa kanya ang Rolex watch ni Yu.
Habang isinasailalim sa imbestigasyon ang dalawa, pumasok sa NCR-CID unit office si Manrique at pilit na inaarbor ang mga ito dahil sa asset umano niya sa kanilang drug operation.
Dito naman nakita nina Navarro at Yu si Manrique at agad na kinilala na kasama sa mga dumukot sa kanila. Dito na inaresto ng mga pulis si Manrique.
Sinabi naman ng tatlo na hindi umano sila ang naturang mga suspect at iniangal din ang pag-aresto sa kanila nang walang kaukulang warrant of arrest. Inakusahan ng mga ito ang mga awtoridad na na-frame-up lamang umano sila. (Ulat ni Danilo Garcia)