Sa ulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO), nakilala ang mga naarestong rebelde na sina Nestor Perez, 26; Mariano Gaddi, 35, kapwa ng Barangay Behilia, Tiaong, Quezon at si Crisanto Cervantes.
Nabatid sa ulat na unang nadakip sina Perez at Gaddi sa may Rizal Avenue Extension ng nabanggit na lungsod. Ang dalawa ay lulan ng isang motorsiklo at nagpapaikot-ikot sa naturang lugar na parang may binabantayan nang sitahin ng mga nagpapatrulyang pulis sa isang traffic violation.
Agad na napansin ng mga awtoridad na armado ang dalawang suspect kaya agad silang dinakip.
Nasamsam sa mga ito ang isang cal. 45 baril, isang granada, mga bala at mga subersibong dokumento.
Nadakip naman si Cervantes, sa aktong nangingikil sa may-ari ng Wellington Bakery ng P100,000 revolutionary tax. Tinakot pa nito ang may-ari na tatargetin ng kanilang Sparrow Unit kung hindi magbibigay ng tax.
Si Cervantes ay nakorner ng mga awtoridad sa loob mismo ng naturang bakery.
Sumasailalim ang mga nadakip sa masusing interogasyon ng pulisya. (Ulat ni Danilo Garcia)