Killer ng employer arestado

Naaresto na ng pulisya kahapon ng umaga ang isang lalaki na responsable sa panloloob at pagpatay sa isang 70-anyos na lolo na kanyang amo noong nakaraang Linggo sa lungsod ng Valenzuela.

Ayon sa ulat ng pulisya, si Robert Jinares, 30, binata, ng Sitio Ugong, Valenzuela City ay natiyempuhan ng mga operatiba sa kanyang mismong pinaglunggaan sa East Canumay matapos tumakas dahil sa pagpatay sa biktimang si Luis Victorino, na kanyang amo sa nasabing lugar.

Nabatid na ginawa ni Jinares ang pagpatay nang pasukin nito ang tahanan ni Victorino noong Linggo ng gabi at pagnakawan ito.

Base sa ulat ng pulisya, habang kinukulimbat ng suspect ang salaping nagkakahalaga ng P15,000 ay nagising ang biktima at naaktuhan ang suspect.

Sa puntong ito, upang patahimikin ang matanda at di na makatawag ng pansin pa sa iba nitong mga kasamahan sa bahay ay kumuha ang suspect ng dos-por-dos at hinataw sa ulo ang biktima saka tumakas.

Sa isinagawang follow-up operation ng operatiba ay natukoy ang suspect at naaresto kung saan nakuha pa ang natitirang salapi na ninakaw nito sa biktima. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments