Kabilang sa mga sisiyasatin ay sina SPO4 Rodolfo Rival; SPO2 Eduardo Liwanagan; SPO2 Angelo Camero; SPO2 Dematera; SPO2 Teodoro Retuta; SPO2 Leonardo Santos; PO3 Robert Sena at PO3 Rommel Baylon.
Gayunman, ipinaliwanag ni Chief Inspector Gerry Agunod, WPD spokesman na ang isinasagawang imbestigasyon ay kasalukuyan pa lamang nasa verification stage dahil na rin sa ang sinasabing kidnap victims ay hindi pa sumisipot sa himpilan ng pulisya para magharap ng pormal na reklamo laban sa mga nabanggit na pulis.
Base sa lumabas na ulat sa pahayagan, ang dalawang dinukot ay sina Jimmy Ong at ang kaibigan nitong si Kelvin Kho.
Base sa inisyal na ulat, naganap ang insidente dakong alas-8 ng umaga sa Binondo habang si Ong ay naglalakad sa naturang lugar ay biglang nilapitan ng mga sinasabing police officers, pinosasan at saka piniringan at sapilitang isinakay sa isang behikulo.
Dinala umano ito sa WPD headquarters at doon pilit na pinaaamin na siya ay isang drug pusher, ng araw ding iyon ay tinawagan ng mga pulis ang pamilya ni Ong at saka nag-demand ng P3 milyon para sa kalayaan nito.
Samantalang ang kaibigan nitong si Kho na bumista kay Ong sa himpilan ng pulisya ay pinigil na rin umano ng mga pulis.
Kinabukasan lamang napalaya ang dalawa matapos na magbayad ng ransom ang pamilya ng mga ito. Ang bayaran ay naganap sa Wendys hamburger restaurant sa tapat pa ng WPD headquarters.
Sa kabila ng lahat ng ito, ay walang nakaharap na formal complaint sa mga nabanggit na pulis. (Ulat ni Grace dela Cruz)