16 pang K-9 dogs ikinalat sa Metro

Labing-anim (16) pang bomb sniffing K-9 dogs ang ipinakalat ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga pangunahing lugar sa Metro Manila upang labanan ang tumitinding banta ng terorismo.

Sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Benjamin Defensor Jr., ang nasabing pagpapakalat ng mas maraming K-9 team ay bilang pagpapaigting ng seguridad sa Metro Manila, partikular na sa mga matataong lugar tulad ng mga shopping malls at terminal ng bus.

"The AFP is cognizant on the effectiveness of these animals which have helped us deter bomb incidents and other forms of criminal activities in Metro Manila," pahayag ni Defensor.

Aniya, ang deployment ng 16 K-9 dogs ay bilang tugon na rin ng AFP sa kahilingan ni PNP Chief Gen. Hermogenes Ebdane upang palakasin ang pagpapatupad ng seguridad sa National Capital Region (NCR) na ngayo’y target na rin ng terrorist attacks.

Ayon kay Defensor, ang mga K-9 dogs ay ipakakalat din sa mga pangunahing instalasyon ng gobyerno tulad ng mga oil depots, telecommunication facilities, foreign embassies at mga lugar ng turismo.

Idinagdag pa ng Chief of Staff na kailangang bigyan ng sapat na seguridad ang mga foreign nationals kung saan base sa nakalap na intelligence report ay target ng mga terorista.

Ang deployment ng K-9 team ay bilang pagtiyak na rin sa proteksyon ng mga commuters na magtutungo sa mga lalawigan para sa paggunita ng Undas. (Ulat ni Joy Cantos)

Show comments