Ito ang pahagulgol na pahayag ni Gng. Matilde Bon, ina ni Fernando Bon, isa sa dalawang nasawi sa naganap na pagsabog ng bus sa EDSA noong nakalipas na Biyernes ng gabi.
Si Gng. Bon ay nagtungo kahapon sa tanggapan ng DOTC upang personal na tanggapin ang tsekeng nagkakahalaga ng P50,000 insurance benefit bunga ng naganap na trahedya.
Maliban sa nasabing halaga ay nagdonasyon rin para sa nasawing si Fernando ang Phil. Insurance Consortium.
Ipinaliwanag pa ng nagdadalamhating ginang na hindi suicide bomber ang kanyang anak gaya ng unang lumabas na mga report, kundi naluwas lamang ito sa Maynila buhat sa kanilang lalawigan sa Camarines Sur para maghanap ng trabaho. Ito ay para matulungan ang kanyang dalawang kapatid sa pag-aaral.
Nabatid na si Fernando ay nagtapos ng vocational course sa Bicol College of Arts and Trades.
Pauwi na ito sa tinutuluyang bahay sa Novaliches buhat sa unang araw ng trabaho bilang maintenance sa Time Product Inc. sa San Francisco del Monte sa Quezon City ng madamay sa naganap na pagpapasabog sa Golden Highway Transit. (Ulat ni Joy Cantos)