Kaugnay nito, sinabi pa ng police sources na ang MILF rebels ang siyang responsable sa naganap na pagsabog ng pampasaherong bus noong nakalipas na Biyernes sa EDSA sa Quezon City at ang mga ito rin ang utak sa pagpaslang sa dalawang mataas na opisyal ng Office of Muslim Affairs (OMA).
Binanggit pa ng CPD official na tumangging ipabanggit ang pangalan, na ang naganap na pagsabog sa bus na kumitil sa buhay ng dalawa katao ay isa lamang dry-run ng MILF rebels sa plano nilang mas malalaki at sunud-sunod na pag-atake sa metropolis.
" Hindi namin tinatakot ang publiko, ito ay isang paalala para maiwasan pa ang may magbuwis nang buhay. Ayon sa aming impormante nagbabalak ang mga rebelde ng mas malalaking pagpapasabog sa mga susunod na mga araw," dagdag pa ng police official.
Nabatid pa rin sa ulat na napasok na rin umano ng ilang MILF members ang OMA bilang mga lehitimong mga empleyado at ang mga ito umano ang siyang nag-utos sa suspect na si Andiong Adas na likidahin ang project manager ng naturang tanggapan na si Nasser Baharan at ang deputy executive director Kharis Mikunog.
Binanggit pa nito na ang motibo sa pagpaslang sa dalawang OMA officials ay may kinalaman sa $500 thousand budget ng tanggapan. Nais umano ng MILF na mas malaking bahagi dito para ipambili ng armas.
Patuloy pa rin ang pagkalap ng mga impormasyon ukol dito. (Ulat ni Matthew Estabillo)