Ayon sa Marikina Public Information Office, hindi pa dumadating ang 10-katao buhat sa Guinness at hindi pa nagpapahayag sa kanila na matutuloy ang naturang pagkaliskis sa higanteng sapatos na kayang maglaman ng 15 katao sa loob nito.
Maaari umanong nagbago ng kanilang isip ang mga judges dahil sa sunud-sunod na insidente ng pagpapasabog sa Zamboanga City, Makati City, at Quezon City ng mga terorista.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang Marikina City Hall sa mga opisyal ng Guinness upang tiyakin ang pagpapatuloy ang judging na nakatakdang ganapin sa Kapitan Moy Hall sa Brgy. Sta. Elena ng naturang lungsod ngayong umaga.
Ipinagmalaki ni Arthur Rivera isa sa gumawa sa higanteng sapatos, na malalagpasan nila ang record na itinala ng Turkey na may 3-metrong laki ng sapatos.
Gumamit umano sila ng 600 square meter na balat ng baka at 50 timba ng pandikit upang mabuo ang 5-metrong sapatos. (Ulat ni Danilo Garcia)