Binata patay sa sagasa, kasintahan sugatan

Isang 25-anyos na binata ang iniulat na nasawi, habang malubha namang nasugatan ang kanyang kasintahan makaraang mabundol sila ng isang rumaragasang sasakyan habang tumatawid, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Nasawi habang ginagamot sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Randy Alvarez, ng Camarin, Caloocan City. Sugatan naman ang kanyang kasintahan na si Rachel Serva, 26, ng Baesa, Quezon City.

Samantala, nakilala naman ang suspect na nakabundol sa magkasintahan na si Bobby Andrew Robles, 33.

Batay sa ulat, naganap ang trahedya dakong alas-11 ng gabi habang papatawid ang magkasintahan sa kahabaan ng Mindanao Avenue, Tandang Sora, Quezon City nang mabundol ng suspect lulan ng kanyang Nissan Sentra na may plakang USG-392.

Nabatid na shock pa rin sa pangyayari si Serva. Samantala, sinampahan na ng kaukulang kaso ang suspect. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments