Kinilala ni PNP chief Director General Hermogenes Ebdane Jr. ang nasakoteng suspect na si Lorenzo Hidalgo, leader ng Red Vigilante Group na sangkot sa serye ng pangingidnap, pagnanakaw at gun-for-hire activities.
Sinabi pa ni Ebdane na ang pagkaaresto kay Hidalgo ay malaking dagok sa kilusan partikular na sa operasyon ng mga ito sa Central Luzon.
Si Hidalgo ay iprinisinta kahapon kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ang pagkahuli umano kay Hidalgo ay nagpapatunay sa ulat na ang Red Vigilante ay hindi breakaway group ng CPP-NPA kundi mga aktibong miyembro ng sindikatong kriminal na sangkot sa pambibiktima ng mga sibilyan para makalikom ng pondo sa pamamagitan ng ilegal na aktibidades.
Nabatid na si Hidalgo ay nasakote sa kuta nito sa isang lugar sa Nueva Ecija sa bisa ng dalawang warrant of arrest kaugnay sa kasong kidnapping with murder na inisyu ni Judge Teodulo Ronquillo ng MTC ng San Miguel, Bulacan. Walang inerekomendang piyansa kapalit ng kalayaan ng nabanggit na suspect.
Ang grupo ni Hidalgo ay sangkot sa pagdukot at pagpatay kay Julius Alejo at anak nitong si Julio sa Bongabon, Nueva Ecija noong nakalipas na Oktubre ng nagdaang taon; pagpaslang kay Talavera ex-barangay Captain Romy Ferrer, gayundin sa pagdukot at pagpatay kay Michael Nuera, Florentino Pablo, Jerardo Pablo, Geronimo Ando, Dindo Fernando at Manolo Santos sa Gapan, Nueva Ecija na ang mga bangkay ay itinapon sa San Miguel, Bulacan. Dawit din ito sa pagdukot sa isang trader sa Pangasinan at maging sa pagdukot at pagpaslang rin sa may dalawa pang katao. (Ulat ni Joy Cantos)