Trader ginilitan ng holdaper

Ginilitan na parang manok ang isang negosyanteng Chinese ng kanyang helper makaraang magtalo kahapon ng hapon sa Tondo, Maynila.

Dead-on-arrival sa Metropolitan Hospital ang biktimang si Hung Tong Liao, 21, ng 1171 F.M. Guerrero St., Tondo, sanhi ng malalim na taga sa kanyang kanang leeg.

Mabilis namang tumakas ang di-pa nakikilalang lalaki na kanyang helper sa kanilang bahay matapos ang insidente.

Sa initial investigation ni PO3 Alonzo Layugan ng WPD-Station 2, dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang komosyon sa loob ng bahay sa pagitan ng biktima at suspect.

Ayon sa ilang saksi, nakarinig umano ng pagtatalo sa dalawa at pagkaraan ng ilang minuto ay katahimikan. Nakita na lamang ng ilang residente na naglabasan ang iba pang kasambahay ng biktima na humihingi ng tulong.

Mabilis na sinaklolohan ni Barangay Chairman Francis Dy ng Brgy. 247 Zone 22 ang biktima at dinala sa ospital subalit idineklarang DOA.

Hindi pa malaman ng pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay sa biktima habang tinutugis ngayon ang suspect. (Ulat ni Grace dela Cruz)

Show comments