Traffic aide na umawat sa away, kinatay

Buhay ang naging kapalit ng pagmamagandang loob ng isang traffic aide nang umawat ito sa gulo, makaraang pagsasaksakin ng hindi nakikilalang lalaki, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Manila.

Ang biktima na namatay habang ginagamot sa Jose Reyes Medical Memorial Center ay nakilalang si Leoncio Hernandez, 62, traffic enforcer ng Manila Traffic Park Bureau.

Sa isinagawang imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa kahabaan ng Yuseco St., ng nasabing lugar.

Nabatid na bago ang insidente, dumalo ang nasawing si Hernandez kasama ang kanyang misis na si Mila sa isang handaan sa bahay ng kanyang pinsan ilang metro lamang ang layo mula sa kanilang bahay.

Nang matapos ang pagtitipon ay naniningil ang di pinangalanang suspect sa mga dumalong kaanak ng bayad para umano sa entertainer subalit nakatalo nito ang ilan ding bisita na nagsabing wala silang pera.

Lalong uminit ang komprontasyon hanggang sa mamagitan ang biktima at umawat sa pagtatalo, gayunman nagalit ang suspect na mabilis na kumuha ng patalim at inundayan ng saksak si Hernandez.

Matapos ang insidente mabilis na tumakas ang suspect na siya ngayong target ng operasyon ng pulisya. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments