Patay na nang idating sa Philippine General Hospital si Philip Lavilla, 25, ng Sevilla St., Grace Park, Caloocan City.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa nasabi ring pagamutan ang 11 pang mga sugatan.
Nabatid sa pulisya na naganap ang insidente dakong alas-7 ng gabi sa railroad crossing sa kanto ng Pres. Sergio Osmeña Highway at San Andres Bukid, Maynila.
Nabatid na lulan ang mga biktima sa isang pampasaherong jeep na minamaneho ni Victorino Lupina nang tumawid sa naturang crossing tiyempo naman na padating ang tren ng PNR na pinapaandar naman ni Bayani Maningding.
Nagpumilit pa rin umanong tumawid ang nasabing jeep dahilan upang mahagip ang likurang bahagi nito hanggang sa tuluyan na itong makaladkad na nagresulta sa pagkasawi ni Lavilla at pagkasugat ng may 11 pa.
Binanggit pa sa ulat na makaraan ang insidente ay kapwa tumakas ang driver ng jeep at tren, habang ang mga biktima naman ay isinugod na sa pagamutan. (Ulat ni Grace dela Cruz)